Aces humirit sa Bolts
Magnolia pupuwesto na sa finals
Laro Ngayon(Smart Araneta Coliseum)
7 p.m. Magnolia vs Ginebra (Game 3, semis)
Mas mahigpit na depensa at agresibong opensa.
MANILA, Philippines — Ito ang ipinakita ng Alaska para balikan ang Meralco sa Game Two, 100-95 at itabla ang kanilang semifinals series para sa 2018 PBA Governor’s Cup kagabi sa MOA Arena sa Pasay City.
Tinapos ng Aces ang sinasakyang seven-game winning streak ng Bolts para sa 1-1 pagtatabla sa kanilang best-of-five semifinals duel.
Nauna nang tinalo ng Meralco ang Alaska, 97-92 sa Game One noong Lunes.
Nagtuwang sina import Mike Harris at guard Simon Enciso sa second period para ibigay sa Aces ang 47-40 bentahe sa halftime hanggang ibaon ang Bolts sa itinayong 19-point lead, 65-46 sa 5:33 minuto ng third quarter.
Ngunit sa pangunguna nina Nico Salva, import Alen Durham, Mike Tolomia, Chris Newsome at Baser Amer ay napababa ito ng Meralco sa 90-92 sa huling 50.9 segundo ng final canto.
Isinalpak naman ni Harris ang krusyal na jump shot para muling ilayo ang Alaska sa 94-90 sa huling 32.4 segundo habang ang three-pointer ni Newsome ang nagdikit sa Meralco sa 95-96 sa nalalabing 14.5 segundo
Ang apat na magkahiwalay na free throws nina JVee Casio at Enciso ang sumelyo sa panalo ng Aces.
Samantala, pupuntiryahin ng Magnolia Hotshots ang pagwalis sa Barangay Ginbera Gin Kings sa Game Three ngayong alas-7 ng gabi para tuluyan nang pitasin ang tiket sa best-of-seven championship series ng season ending conference.
Muling magtutuos ang Magnolia at Ginebra sa Smart Araneta Coliseum.
Nauna nang tinalo ng Hotshots ang Gin Kings sa Game One, 106-98 at Game Two, 101-97 sa pangunguna ni import Romeo Travis.
- Latest