Bolts lusot sa semis
FIBA Asia Champions Cup
MANILA, Philippines — Inilabas ng Meralco ang pinakamalakas na boltahe nito para ilampaso ang defending champion Sporting Al Riyadi Beirut-Lebanon, 96-63 upang makahirit ng tiket sa semis sa FIBA Asia Champions Cup na ginaganap sa Stadium 29 sa Nonthaburi, Thailand.
Matikas ang inilaro ni Diamond Stone nang kumana ito ng 20 puntos, 10 rebounds at limang assists para hatakin ang Bolts sa unang panalo sa tatlong pagsalang sa Group B.
Malakas ang suportang ibinigay ng local players partikular na si Garvo Lanete na humataw ng 20 markers gayundin si Niño Canaleta na umariba naman ng 18 points.
Nakalikom si Anjo Caram ng 11 points samantalang may double-double showing na 10 points at 14 boards si Allen Durham.
Sapat ang panalo ng Bolts sa Al Riyadi Beirut-Lebanon para makuha ang Top 2 spot sa Group B.
Sa katunayan, nakatali sa three-way tie sa No. 2 ang Meralco, Al Riyadi Beirut-Lebanon at Mono Vampire-Thailand tangan ang pare-parehong 1-2 marka.
Subalit mas mataas ang quotient points (+14) ng Bolts dahilan para malaglag ang Al Riyadi Beirut-Lebanon (-38) at Mono Vampire-Thailand (-6).
Na-sweep ng Alvark Tokyo-Japan ang lahat ng tatlong asignatura nito sa group stage para samahan ang Meralco sa Final Four.
Makakasagupa ng Meralco sa semis ang Group A topnotcher Petrochimi-Iran samantalang lalarga ang Alvark Tokyo-Japan kontra sa Seoul SK Knights-South Korea sa Linggo ng gabi.
- Latest