Makati tinakasan ang Manila; Pasay wagi sa Rizal
MANILA, Philippines — Sumandal ang Makati Skyscrapers kay Jeckster Apinan para maka-eskapo laban sa Manila Stars, 99-98 upang makamit ang ikalawang sunod na panalo sa pagpapatuloy ng 2018 Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) Datu Cup noong Huwebes ng gabi sa Ynares Sports Center sa Antipolo City.
Umalagwa si Apinan mula umpisa hanggang sa pagtunog ng buzzer kabilang na ang isang lay-up sa huling anim na segundo para iangat ang Skyscrapers ni coach Cholo Villanueva sa sosyohan sa liderato sa North Division kasama ang Navotas Clutch sa parehong 2-0 win-loss kartada.
Umani si Apinan ng 24 puntos sa 8-of-11 shooting sa field goal habang si Cedrick Ablaza ay umiskor din ng parehong 24 puntos at 23 naman mula kay Philip Paniamogan.
Tumulong din ng 16 puntos at limang rebounds si Rudy Lingganay para manatiling wala pang talo ang Skyscrapers na susunod na haharapin ang Anta Rajah Cup champion Batangas Athletics sa Hulyo 10.
Dahil sa talo, laglag ang Manila Stars sa 1-1 record at gusto ni head coach Philip Cezar na bumawi agad sa kanilang laro kontra sa Valenzuela Classics sa Hulyo 11.
Pinangunahan ni Chris Bitoon ang Stars sa kanyang 24 puntos habang 17 naman kay Reil Cervantes at 15 kay Adrian Celada.
Umiskor din ng 12 si John Lopez at 11 naman kay Gayford Rodriguez para sa Manila Stars.
Sa iba pang laro, nagwagi rin ang Pasay Voyagers kontra sa Rizal Crusaders, 87-81 upang pumasok sa win column matapos matalo sa Navotas Clutch (75-83) sa kanilang opening game noong Hunyo 16.
Ang Crusaders ni coach Braulio Lim Jr. ay bumagsak sa ilalim ng standing sa South Division kasama ang Imus Bandera sa parehong 0-2 record.
- Latest