Mojdeh lalangoy sa SEA Age Group C’ship
MANILA, Philippines — Inilabas ni Philippine Swimming Inc. (PSi) president Ral Rosario ang listahan ng mga kawalipikadong swimmers para sa Southeast Asian Age-Group Championship na gaganapin sa susunod na buwan sa Trace Aquatics Center sa Laguna.
Ibinase ni Rosario ang listahan sa resulta ng 2018 Palarong Pambansa, Philippine National Age Group sa Manila at Tagum at sa Singapore National Age Group Championships.
Tig-limang swimmers ang pasok sa bawat kategorya --13-under, 14-15 at 16-18 sa boys at girls.
Nangunguna sa listahan si Philippine Swimming League standout Micaela Jasmine Mojdeh na itinanghal na Most Bemedalled Female Athlete sa Palarong Pambansa matapos humakot ng anim na ginto at isang pilak sa elementary division.
Nasa unahan ng listahan si Mojdeh sa 100m breaststroke (1:19.59), 400m Individual Medley (5:30.89), 200m butterfly (2:25.82), 100m butterfly (1:06.07), 200m Individual Medley (2:33.12) at 50m butterfly (30.42). Kwalipikado rin ito sa 50m breaststroke (37.17) at 200m breaskstroke (3:01.72).
Hindi pa kasama sa listahan ang mga Filipino-foreign swimmers ngunit maaari silang magsumite ng kani-kanilang rekord sa PSi upang mapasama sa listahan.
“Our country will host this championship. It is the right time to expose our qualified swimmers who are not able to afford to travel abroad to participate and gain international exposure,” wika ni Rosario sa statement.
Nanawagan din ang PSi chief ng pagkakaisa upang mapaangat pa ang lebel ng swimming sa Pilipinas.
Handa naman ang PSi na humanap ng mga sponsors upang tustusan ang pangangailangan ng mga swimmers sa naturang kumpetisyon.
“Let us all work together as a united swimming community and send the most deserving swimmers to this event,” dagdag ni Rosario.
- Latest