Blue Eagles amoy na ang q’finals; Blazers silat sa Falcons
MANILA, Philippines — Patuloy ang pananalasa ng reigning UAAP champion Ateneo de Manila University nang ilampaso nito ang University of Perpetual Help System Dalta, 83-59 upang makalapit sa inaasam na quarterfinals slot sa 12th FilOil Flying V Preseason Cup kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Hataw sa pagkakataong ito si Mike Nieto na umiskor ng 18 puntos habang nagrehistro si Angelo Kouame ng 17 puntos gayundin si Matt Nieto na naglista naman ng 12 puntos para sa Blue Eagles.
“We just allowed them to make corrections and adjustments themselves since we did not call for a practice anymore after our game last night (Thursday),” wika ni Blue Eagles assistant coach Sandy Arespacochaga.
Matayog ang lipad ng Ateneo na sumulong sa matikas na 6-0 baraha sa Group A kung saan isang panalo na lang ang kailangan nito para awtomatikong umusad sa quarters.
Hindi pa rin makaporma ang Altas na lumasap ng ikalimang sunod na kabiguan para manatili sa ilalim ng standings.
Sa unang laro, pinaamo ng University of the East ang National University, 78-74 para sumulong sa 3-4 baraha.
Samantala, hindi hinayaan ng Adamson University na awtomatikong umentra ang College of Saint Benilde sa quarterfinals matapos itarak ang 80-60 demolisyon.
Nangibabaw para sa Soaring Falcons si Sean Paul Manganti nang kumana ito ng 17 puntos, siyam na rebounds at limang assists katuwang sina Jerom Lastimosa na may 13 markers, limang dimes at tatlong steals at Jerrick Ahanmisi na nagdagdag ng 11 points para dungisan ang imakuladang karta ng Blazers sa Group B.
Dahil sa panalo, naipuwersa ng Adamson ang three-way tie sa unahan ng standings kasama ang Benilde at Far Eastern University taglay ang pare-parehong 3-1 baraha.
- Latest