Teamwork armas nina Rondina at Pons sa titulo
MANILA, Philippines — Magandang samahan ang naging matibay na armas nina Sisi Rondina at Bernadeth Pons ng Petron upang matamis na angkinin ang kanilang ikalawang sunod na kampeonato sa Philippine Superliga Beach Volleyball Challenge.
Matikas na inilampaso nina Rondina at Pons sina Jackie Estoquia at DM Demontano ng Sta. Lucia Realty sa bendisyon ng 21-8, 21-11 demolisyon para matagumpay na maipagtanggol ang kanilang titulo.
Bagama’t hindi naging maganda ang simula nina Rondina at Pons, nagawang maibalik ng dalawa ang kanilang momento sa mga sumunod na laro dahil kabisado na nila ang galaw sa loob ng court.
“Sa umpisa talaga medyo nahirapan kami dahil hindi kami kaagad nakapag-training na magkasama kami dahil sa UAAP. So after pa ng UAAP saka kami nakapag-training talaga,” wika ni Rondina na miyembro ng University of Santo Tomas indoor volleyball team.
Hindi umabot sa Final Four ang Tigresses habang nakapasok sa finals ang Far Eastern University na siyang tropa ni Pons.
Kaya’t kinailangan pang maghintay ni Rondina na matapos ang UAAP para makasama si Pons sa training.
“Malalakas ang mga teams ngayon. Very competitive talaga sila. Pero I’m happy na nagbalik yung laro namin ni Pons. Kabisado na namin ang isa’t isa kaya mas naging madali para sa amin,” dagdag ni Rondina.
Iisa ang galaw nina Rondina at Pons na may iisang target – ang muling makuha ang kampeonato.
Kaya naman laking pasasalamat ng dalawa nang muling makuha ang kampeonato at umaasang maipagpapatuloy nila ang dominasyon sa susunod na edisyon ng torneo.
“We’re glad to survive another tough tourney. I want to say thank you to (Pons). At least our connection is still there,” ani Rondina. (CCo)
- Latest