UST inangkin ang general championship
MANILA, Philippines — Muling napasakamay ng University of Santo Tomas ang general championship title matapos makalikom ng kabuuang 283 puntos sa pagtatapos ng UAAP Season 80.
Ito ang ika-42 korona ng España-based school kung saan anim na korona ang naibulsa ng tropa kabilang na ang sweep sa men at women’s crowns sa judo competition.
Nangibabaw din ang UST sa women’s beach volleyball, women’s tennis, women’s athletics at poomsae, habang nakahirit pa ang mga tigre ng pitong runner-up trophies at tatlong third-place finishes.
Sumegunda ang De La Salle University na may nakuhang 269 puntos tampok ang limang titulo, limang second-place at anim na third-place.
Sariwa pa ang La Salle sa matamis na pagkopo ng ‘three-peat’ sa women’s volleyball at nakuha rin nito ang unang puwesto sa women’s chess, women’s table tennis, women’s badminton at women’s football.
Nasa ikatlo ang University of the Philippines na may 234 puntos na may isang ginto, limang pilak at pitong tanso at ikaapat ang Ateneo de Manila University na may 230 puntos mula sa apat na ginto, apat na pilak at apat na tanso
Nagtapos sa ikalima ang National University (179) kasunod ang University of the East (168), Far Eastern University (151) at Adamson University (101).
- Latest






















