Bustamante kinapos kay Souquet
Runner-up sa battle of legends
MANILA, Philippines — Nagkasya sa runner-up trophy si legendary cue master Francisco “Django” Bustamante sa 2018 Battle of Legends na ginanap sa Billiard's Bistro Die Drei Center Court sa Sindelfingen, Germany.
Lumasap ang 2010 World 9-Ball Championship winner ng 6-7 kabiguan sa kamay ni 1996 World 9-Ball champion at 2008 World 8-Ball titlist Ralf Souquet ng Germany sa kanilang championship showdown.
Tabla ang iskor sa 6-all kung saan hawak na sana ni Bustamante ang tsansang manalo.
Subalit nagmintis ito sa eight-ball sa final rack dahilan upang makabalik sa mesa si Souquet para tuluyang makuha ng Aleman ang kampeonato.
Naisaayos nina Bustamante at Souquet ang paghaharap sa finals matapos mangibabaw sa kani-kanilang grupo.
Anim na legendary players ang inimbitahan sa naturang Battle of Legends.
Maliban kina Bustamante at Souquet, naglaro rin sina 1999 World 9-Ball champion Efren ‘Bata’ Reyes, three-time World 9-Ball titlist Earl Strickland ng Amerika, four-time World 14.1 Straight Pool Championship champion Thorsten Hohmann ng Germany at dating European No. 1 at trickshot World Champion Ralph Eckert ng Germany.
Magkakasama sa Group A sina Bustamante, Strickland at Hohmann habang nasa Group B sina Souquet, Reyes at Eckert.
Nakumpleto ni Bustamante ang 2-0 sweep sa kanyang grupo.
Unang tinalo ni Bustamante si Hohmann sa iskor na 7-6 kasunod ang paggupo kay Strickland sa bendisyon naman ng 7-2 demolisyon.
Pare-pareho namang may 1-1 sina Souquet, Reyes at Eckert.
Tinalo ni Eckert si Soquet (7-4). Iginupo ni Reyes si Eckert (7-6). Nanaig si Souquet kay Reyes (7-5).
Ngunit nakuha ni Souquet ang slot sa finals dahil sa mas mataas na quotient points.
- Latest