Lady Altas, Blazers sososyo sa liderato
MANILA, Philippines — Puntirya ng University of Perpetual Help System Dalta at College of Saint Benilde na makisalo sa liderato sa pagharap sa magkaibang karibal sa pagpapatuloy ng NCAA Season 93 women’s volleyball tournament ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Aariba ang Perpetual Help laban sa mapanganib na San Beda College sa alas-12:23 ng tanghali habang haharapin naman ng Benilde ang Lyceum of the Philippines University sa unang laro sa alas-11 ng umaga.
Kasalukuyang nakatali sa three-way tie sa No. 2 spot ang Lady Altas, Lady Blazers at Lady Red Spikers hawak ang pare-parehong 1-0 baraha.
Nasa ilalim sila ng nagdedepensang Arellano University na may imakuladang 2-0 kartada.
Maganda ang simula ng Lady Altas nang hatawin ang Lady Pirates sa pamamagitan ng 25-21, 25-17, 25-22 panalo.
“We’ve set big goals for this year but initially, we want to make it to the Final Four first,” wika ni Perpetual Help mentor Macky Carino na siyang humalili kay Sammy Acaylar.
Si Carino ang nagbigay ng unang titulo sa Benilde bago lumipat sa Perpetual Help noong nakaraang taon.
Sasandalan ng Lady Altas sina Maria Lourdes Clemente, Cindy Imbo at Bianca Tripoli na humakot ng pinagsama-samang 37 puntos sa kanilang unang panalo.
Subalit masusubukan ang tikas ng Perpetual Help dahil maganda rin ang inilalaro ng San Beda.
Galing ang San Beda sa 23-25, 25-19, 13-25, 25-19, 15-9 panalo laban sa Jose Rizal University.
“We’re preparing for a tough match because San Beda is a veteran team,” ani Carino.
Kukuha ng lakas ang Lady Red Spikers kina Marie Nieza Viray, Cesca Racraquin at Satrianni Espiritu na siyang umiskor ng malalaking puntos para sa kanilang tropa laban sa Lady Bombers.
Naglista si Nieza ng 19 puntos habang may 13 si Racraquin na miyembro ng Creamline sa Premier Volleyball League.
- Latest