Trike driver utas sa nilalarong baril ng kainuman
IROSIN, Sorsogon, Philippines — Bulagta ang isang tricycle driver matapos aksidenteng mabaril ng kainuman sa pinaglalaruan nitong baril sa Brgy. San Pedro, Irosin, Sorsogon kamakalawa ng hapon.
Isang tama ng punglo sa dibdib ang tumapos sa buhay ng biktima na kinilalang si Rommel, 43-anyos, binata, residente ng Brgy.San Agustin. Kalaboso at sinampahan na ng patong-patong na kaso ang suspek na si Jopet, 39-anyos, construction worker at residente ng naturang lugar.
Sa ulat, alas-4:40 ng hapon nag-iinuman ang suspek at biktima nang ilabas ng una ang kanyang improvised gun o sumpak at paglaruan ito sa harap ng kainuman.
Sinubukan itong kunin ng biktima pero nag-agawan sila dahilan para bigla itong pumutok at nasapol sa dibdib si Rommel na agarang nasawi.
Nawala ang pagkalasing ng suspek dahil sa insidente at dala ang sumpak ay agad sumuko sa Irosin Police Station.
- Latest