Corteza at Chua sa semis ng World Pool
MANILA, Philippines - Matayog pa rin ang lipad ng bandila ng Pilipinas matapos umusad sina Lee Vann Corteza at Johann Chua sa semifinals ng World Pool Series First Leg - The Molinari Players Championship na ginaganap sa Steinway Billiards sa Astoria Queens sa New York City, USA.
Dalawang importanteng panalo ang naitala nina Corteza at Chua para masiguro ang tiket sa Final Four, habang bigo namang makausad sina Carlo Biado at Dennis Orcollo na lumasap ng kabiguan sa kani-kanilang laban.
Nairehistro ni Corteza ang pahirapang 15-13 panalo laban kay Mika Immonen ng Finland sa Last 16 kasunod ang isa pang 15-13 gitgitang panalo kontra naman kay Naoyuki Oi ng Japan sa quarterfinals.
Patuloy din ang pananalasa ni Chua nang pataubin nito si Jayson Shaw ng Great Britain sa bendisyon ng 15-11 desisyon gayundin ang isa pang Briton na si Chris Melling sa pamamagitan naman ng 15-14 panalo.
Sa kabilang banda, napigilan ni Orcollo ang ratsada ng 20-anyos na si Billy Thorpe ng Amerika sa bisa ng 15-7 demolisyon sa Last 16.
Subalit hindi pinalad si Orcollo nang lumasap ito ng 12-15 kabiguan kay Darren Appleton ng Great Britain sa quarterfinals.
Natalo naman si Biado kay Oi, 10-15, sa Last 16 ng torneong may basbas ng World Pool-Billiard Association at naglaan ng tumataginting na $20,000 para sa magkakampeon.
Nauna nang yumuko sina Francisco Bustamante, Israel Rota, Jean Michael Breille, Ramil Gallego at Alex Pagulayan.
- Latest