Junior Tigresses humirit ng rubber match
Tiger Cubs pinigil din ang Bullpups
MANILA, Philippines - Buhay pa ang University of Santo Tomas matapos ipuwersa ang rubber match laban sa National University sa finals ng girls at boys division ng UAAP Season 79 high school volleyball tournament na ginaganap sa Adamson University gym.
Matikas ang pagresbak ng Junior Tigresses ng dungisan nito ang Lady Bullpups sa pamamagitan ng 25-16, 25-21, 21-25, 25-13 panalo sa Game 2 ng kanilang best-of-three championship series.
Tinuldukan ng UST ang 13-game winning streak ng NU na naghahangad makuha ang ikatlong girls crown.
Naitabla rin ng UST ang serye sa boys category nang ilista ng Tiger Cubs ang 25-22, 11-25, 21-25, 25-15, 15-13 come-from-behind victory laban sa Bullpups noong Linggo.
Aarangkada ang rubber match bukas sa parehong venue kung saan maghaharap sa unang laro sa alas-2 ang Junior Tigresses at Bullpups kasunod ang duwelo ng Tiger Cubs at Bullpups sa alas-4.
Pinangalanang Season MVP si Faith Nisperos ng NU na siya ring nakakuha ng 1st Best Outside Spiker plum. Ginawaran din ang katropa nitong sina Thea Gagate (1st Best Middle Blocker), Joyme Cagande (Best Setter) at Nicole Magsarile (Best Server).
Ang iba pang individual awardees sa girls division ay sina Eya Laure (Best Opposite Spiker), Baby Love Barbon (2nd Best Outside Spiker) at Det Pepito (Best Libero) ng ng UST; Jewel Encarnacion (2nd Best Middle Blocker) ng De La Salle-Zobel at Kathleen Layugan (Rookie of the Year) ng University of the East.
Nakuha naman ni Lorence Cruz ng NU ang boys MVP at 1st Best Outside Spiker awards gayundin ang iba pang NU standouts na sina Billie Jean Anima (1st Best Middle Blocker), Diogenes Poquita (Best Setter) at Menard Guerrero (Best Libero) na may kanya-kanyang nahablot na parangal.
Wagi rin sina UST mainstays Jaron Requinton (2nd Best Middle Blocker), Lorenz Señoron (Best Opposite Spiker) at Rey De Vega (Best Server), Shaun Ledesma (2nd Best Outside Spiker) ng UE,at Raymond Bryce de Guzman (Rookie of the Year) ng De La Salle-Zobel.
- Latest