Tanso lang kay Paalam
MANILA, Philippines - Isang tansong medalya lamang ang maiuuwi ng national junior boxing team sa 2016 AIBA Youth World Boxing Championship na ginanap sa St. Petersburg, Russia.
Galing ito kay Carlo Paalam na nagkasya sa tanso sa men’s light flyweight division matapos lumasap ng 1-4 kabiguan sa kamay ni Sachin ng India sa semifinal round.
Naipuslit ni Sachin ang gintong medalya nang blangkuhin nito si Jorge Grinan ng Cuba sa kanilang championship match.
Nakapasok sa semis si Paalam matapos magtala ng 4-0 panalo sa quarterfinals laban kay Volodya Mnatsakayan ng Russia.
Kabilang din sa mga tinalo ni Paalam sina Jordan Moore ng Ireland sa third round (4-1) at Pedro Enrique Alarcon Ternera ng Colombia sa second round (5-0). Nakakuha ang Pinoy pug ng opening round bye.
Ang Pilipinas ang bukod tanging Southeast Asian country na nakasungkit ng medalya sa naturang torneo na nilahukan ng 351 boksingero mula sa 62 bansa.
Itinanghal na overall champion ang powerhouse Cuba na may dalawang ginto at dalawang pilak kasunod ang Amerika na may 2-0-2, Kazakhstan na may 1-2-1 at Australia, India at Turkey na may pare-parehong 1-0-1.
- Latest