Foton babangon vs RC Cola-Army
MANILA, Philippines - Solidong lineup ang ipaparada ng Foton sa oras na harapin nito ang RC Cola-Army ngayong hapon sa pagpapatuloy ng 2016 Philippine Superliga (PSL) Grand Prix sa Philsports Arena sa Pasig City.
Magtutuos ang Tornadoes at Lady Troopers sa alas-3 habang maghaharap naman ang Generika at Cignal sa alas-12:30 ng tanghali.
Hawak ng Foton ang 6-1 baraha sa ikalawang puwesto habang nangunguna ang Petron na may 8-1 marka.
Pakay ng Foton na mawalis ang kanilang tatlong sunod na laro upang makuha nito ang top seeding sa semifinals.
Magbabalik-aksiyon na para sa Tornadoes si Jaja Santiago na galing sa 12-day training camp sa Japan kasama ang National University.
Makakasama ni Santiago sa ratsada sina American imports Lindsay Stalzer at Ariel Usher gayundin sina Maika Ortiz, Dindin Santiago-Manabat, Rhea Dimaculangan at libero Bia General.
Lumasap ng unang kabiguan ang Tornadoes sa kamay ng F2 Logistics, 25-15, 23-25, 25-23, 26-24 sa larong ginanap sa Imus City Sports Complex sa Cavite.
Kaya’t gigil na makabawi ang Foton ngayon pa’t nakabalik na sa bansa si Santiago.
Mangunguna para sa Lady Troopers sina skipper Jovelyn Gonzaga, Rachel Anne Daquis, Honey Royse Tubino at Tina Salak kasama ang kanilang imports na sina Hailey Ripley at Kierra Holst.
“Jaja’s return would be such a big boost to Foton. So we have to prepare ourselves and be ready,” ani RC Cola-Army coach Kungfu Reyes.
Galing ang Lady Troopers sa 25-13, 25-15, 25-10 pananaig laban sa Cignal para mapaganda ang rekord nito sa 3-4.
“That’s the Army team I used to know. While I’m glad that we’re gaining back our groove, we still have to work hard because the next few games will be very crucial,” dagdag ni Reyes.
Ang dalawang mangungunang koponan matapos ang eliminasyon ang siyang uusad sa semifinals habang ang No. 3 hanggang No. 6 ay maglalaban-laban sa playoffs.
- Latest