Warriors delikado na sa Thunder
OKLAHOMA CITY - Inilapit ng Thunder ang kanilang sarili para sa NBA Finals.
Kumolekta si Russell Westbrook ng triple-double sa kanyang 36 points, 11 rebounds at 11 assists para ihatid ang Thunder sa 118-94 panalo sa Golden State Warriors sa Game 4 at angkinin ang 3-1 bentahe sa Western Conference Finals.
Ito ang unang triple-double ni Westbrook sa playoffs matapos maglista ng 18 sa regular season.
Tumapos naman si Kevin Durant na may 26 points at 11 rebounds para sa Oklahoma City.
Kailangang maagaw ng Warriors ang Game Five sa Huwebes sa Oakland para pigilan ang Thunder sa pagpasok sa NBA Finals.
“We all have to bounce back,” sabi ni Warriors coach Steve Kerr. “The good news is, we go home. Obviously we play well at home. The idea now is to go home and get one win. Do that, and we put some pressure on them and we’ll see what happens.”
Nalasap naman ng Golden State, nagtayo ng league record 73 panalo sa regular season, ang kanilang ikalawang dikit na kamalasan sa unang pagkakataon ngayong season.
Binanderahan ni Klay Thompson ang Golden State sa kanyang 26 points, habang kumamada si two-time league MVP Stephen Curry ng 19 points mula sa mahina niyang 6-for-20 shooting.
Tumapos si Draymond Green, pinagmulta dahil sa paninipa kay Steven Adams sa Game Three, na may 6 points, 11 rebounds at 6 turnovers.
Nakakuha ang Thunder ng career-high 17 points at 12 rebounds kay Andre Roberson, ang player na ilang beses hindi pinansin ng Warriors sa serye.
Matapos itala ang 30-26 abante sa first quarter ay kinontrol ng Oklahoma City ang second period para iwanan ang Golden State sa 56-43.
Isinara ng Thunder ang first half bitbit ang 72-53 bentahe kung saan nagtala si Westbrook ng 21 points, 9 assists at 5 rebounds, habang kumamada si Durant ng 18 points at 6 boards.
- Latest