Bradley babagsak sa 9th - Roach
MANILA, Philippines – Huling nakapagpabagsak ng kanyang kalaban si Manny Pacquiao noong Nobyembre 14, 2009 nang umiskor siya ng Technical Knockout (TKO) victory laban kay Puerto Rican world welterweight king Miguel Cotto.
Kumpiyansa si chief trainer Freddie Roach na mapapatumba ng Filipino world eight-division champion si American world welterweight titlist Timothy Bradley Jr. sa kanilang pangatlong paghaharap sa Abril 9 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Kaya naman isang knockout win sa ninth round ang inaasahan ni Roach na makukuha ng 37-anyos na si Pacquiao laban sa 33-anyos na si Bradley, ang kasalukuyang World Boxing Organizaton welterweight ruler.
“Manny wants to go out with a bang and knock Tim out,” sabi ni Roach sa panayam ng BoxingScene.com. “So I predict a knockout in nine.”
Nauna nang ginulat ni Bradley si Pacquiao mula sa isang kontrobersyal na split decision sa kanilang unang paghaharap noong Hunyo ng 2012.
Niresbakan naman ng Filipino boxing superstar si Bradley makaraang kunin ang unanimous decision victory sa kanilang rematch noong Abril ng 2014.
Sinabi ni Pacquiao, nanggaling sa unanimous decision loss kay Floyd Mayweather Jr. noong Mayo 2, na si Bradley ang pinakahuling boksingerong makakasagupa niya sa ibabaw ng boxing ring.
Matapos ang laban ay tuluyan nang magreretiro si ‘Pacman’ para tutukan ang kanyang political career kung saan kakandidato siya bilang Senador.
Bago ang kanilang two-city press tour sa United States kamakailan ay nagtungo muna si Pacquiao sa kanyang doktor sa Los Angeles kung saan siya binigyan ng ‘go signal’ para labanan si Bradley.
Naniniwala si Roach na hindi na magiging problema ni Pacquiao ang kanyang kanang balikat, inoperahan ilang araw matapos ang kanilang super fight ni Mayweather.
“He’s 100 percent,” wika ni Roach kay Pacquiao.
Magsasanay si Pacquiao kasama si Roach sa General Santos City bago ilipat ang kanilang training camp sa Wild Card Gym sa Hollywood California dalawang linggo bago ang kanilang suntukan ni Bradley.
Hindi naman nag-aalala si Roach sa paggiya ni trainer Teddy Atlas kay Bradley na tinulungan niyang magtala ng 9th-round stoppage kay Brandon Rios noong Oct. (RC)
- Latest