Lady Stags lalapit sa titulo vs Lady Blazers
MANILA, Philippines - Pakay ng San Sebastian na makalapit sa inaasam na kampeonato sa pakikipagtipan nito sa College of Saint Benilde ngayon sa pagsisimula ng 91st NCAA women’s volleyball finals sa The Arena sa San Juan City.
Magtutuos ang Lady Stags at Lady Blazers sa alas-4 ng hapon kung saan dalawang panalo lamang ang kakailanganin ng San Sebastian upang matamis na makumpleto ang sweep at maibalik sa kanilang teritoryo ang kampeonato.
Sa pangunguna ni reigning Most Valuable Player Grethcel Soltones, awtomatikong umusad sa finals ang San Sebastian tangan ang impresibong 9-0 rekord upang makuha ang thrice-to-beat sa serye.
“Our main focus now is Game One, nothing else,” ani Lady Stags head coach Roger Gorayeb na siyang kauna-unahang mentor na nagtala ng Grand Slam sa Shakey’s V-League noong nakaraang taon.
Sa kabilang banda, ang Lady Blazers ay dumaan sa butas ng karayom bago masiguro ang tiket sa finals.
Unang pinatumba ng St. Benilde ang University of Perpetual Help System Dalta, 16-25, 25-19, 25-11, 25-21, sa unang yugto ng stepladder semifinals bago hubaran ng korona ang Arellano University sa bendisyon ng 25-20, 25-22, 25-23 panalo sa ikalawang yugto ng stepladder.
Sasandalan ng Lady Blazers ang tambalan nina middle blocker Jeanette Panaga at open hitter Janine Navarro katuwang si setter Djanel Welch Cheng.
Ito ang ikatlong pagkakataon na magtatagpo ang San Sebastian at St. Benilde sa finals.
Hawak ng Lady Stags ang 2-0 rekord matapos gapiin ang Lady Blazers noong 2008 at 2009 edisyon ng liga.
Ang San Sebastian ay may kabuuang 24 kampeonato sa NCAA -22 dito ay sa ilalim ng pamumuno ni Gorayeb habang ang St. Benilde ay nagnanais masungkit ang kanilang kauna-unahang korona.
Sa men’s division, sisimulan ng nagdedepensang Emilio Aguinaldo College at Perpetual Help ang kanilang best-of-three finals series sa alas-2 . (CCo)
- Latest