Altas, Generals ikakasa ang titular showdown; Lady Chiefs tatapusin na ang Lady Blazers
Laro Ngayon (The Arena)
2 p.m. Perpetual vs Benilde (M)
4 p.m. Arellano vs Benilde (W)
MANILA, Philippines – Target ng nagdedepensang Arellano University na masungkit ang huling tiket sa finals sa pakikipagtipan nito sa College of Saint Benilde ngayong hapon sa stepladder semifinals ng NCAA Season 91 women’s volleyball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Magtutuos ang Lady Chiefs at Lady Blazers sa alas-4 ng hapon.
Hawak ng Arellano ang twice-to-beat advantage matapos makuha ang second seed sa pagtatapos ng eliminasyon kaya’t isang panalo na lamang ang kakailanganin nito upang maipormalisa ang kanilang pagbabalik sa finals.
Ang Benilde naman ay galing sa 16-25, 25-19, 25-11, 25-21 panalo laban sa University of Perpetual Help System Dalta sa unang do-or-die game ng stepladder semis.
Matikas na nasandalan ng Lady Blazers sina Janine Navarro at Rayna Musa na kapwa bumira ng 15 puntos habang sumuporta si middle blockek Jeanette Panaga na nagdagdag ng 11 puntos.
Tiyak na ibubuhos ng Arellano ang buong puwersa nito dahil hindi madaling kalaban ang Benilde.
Umabot sa limang sets ang bakbakan ng Lady Chiefs at Lady Blazers sa huling araw ng eliminasyon kung saan kinailangan muna ng Arellano ng malakas na puwersa sa huling bahagi ng laro bago itarak ang 25-20, 22-25, 28-30, 25-18, 19-17 pahirapang panalo.
Mangunguna sa ratsada ng Arellano sina Jevielyn Grace Prado, Danna Henson at Shirley Salamagos katuwang sina setter Rhea Ramirez at libero Jan Shayne Galang.
Ang magwawagi sa pagitan ng Lady Chiefs at Lady Blazers ang makakasagupa ng San Sebastian College na nauna nang umusad sa finals bunsod ng impresibong nine-game sweep sa eliminasyon.
Dahil sa matamis na sweep, ang Lady Stags ay magtataglay ng thrice-to-beat advantage sa finals.
Sa men’s division, sisikapin ng reigning titlist Emilio Aguinaldo College at Perpetual Help na maitakda ang kanilang titular showdown sa pagharap sa magkahiwalay na kalaban.
Sasagupain ng Altas ang St. Benilde Blazers sa alas-2 ng hapon matapos ang upakan ng Generals at San Beda Red Lions sa alas-12 ng tanghali.
Naagaw ng EAC ang top spot nang kanilang gibain ang Perpetual, 21-25, 25-20, 25-17, 25-19 na naglaglag sa Las Piñas-based spikers sa No. 2.
Sa pagbandera ni reigning MVP Howard Mojica sa Generals, inaasahang paborito itong manalo sa Lions.
- Latest