Tolomia, Amer, Cruz pararangalan
MANILA, Philippines – Tatlong beteranong manlalaro ang pararangalan ng Super Senior Awards sa gaganaping University Athletic Association of the Philippines-National Collegiate Athletic Association Press Corps Collegiate Basketball Awards sa Enero 26 sa Saisaki-Kamayan sa Greenhills.
Ito ay sina Baser Amer ng San Beda College, Mark Cruz ng Colegio de San Juan de Letran at Mike Tolomia ng Far Eastern University na tunay na naging malaking tulong sa kampanya ng kani-kanilang koponan.
Bigo man na makuha ng San Beda ang ikaanim na sunod na kampeonato, maningning pa rin ang naging karera ni Amer dahil naging instrumento din ito para makuha ng Red Lions ang apat na sunod na titulo mula noong 2011 hanggang 2014.
Hindi maganda ang simula ni Amer matapos magtamo ng injury sa balikat. Mabilis itong nakarekober para tulungan ang San Beda na makatuntong sa finals subalit natalo ito laban sa Letran sa kanilang best-of-three series.
Tiniyak naman nina Cruz at Tolomia na magiging engrande ang pagtatapos ng kanilang varsity careers.
Malaki ang naitulong ng 5-foot-5 na si Cruz para mahablot ng Letran ang kanilang ika-17 titulo sa NCAA. Buwenas pa dahil nakuha nito ang Finals MVP.
Sa kabilang banda, ilang magandang plays ang ipinamalas ni Tolomia sa krusyal na sandali na malaking parte sa pagsuwag ng Tamaraws sa University of Santo Tomas sa kanilang UAAP finals.
Makakasama nina Amer, Cruz at Tolomia sa listahan ng mga gagawaran ng pagkilala sina Nash Racela ng FEU at Aldin Ayo ng Letran na siyang bibigyan ng Coach of the Year awards at sina Roger Pogoy ng FEU at Kevin Racal ng Letran na papangalanang Pivotal Players.
Ilan pang mahahalagang parangal ang ibibigay ng UAAP-NCAA Press Corps kasama ang Smart Player of the Year, Collegiate Mythical Five.
- Latest