91 Season NCAA women’s volleyball nangangamoy sweep sa Lady Stags
MANILA, Philippines – Lumapit sa inaasam na sweep ang San Sebastian College matapos ilampaso ang Colegio de San Juan de Letran sa bisa ng 25-11, 25-17, 25-15 panalo kahapon sa NCAA Season 91 women’s volleyball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Muling bumandera si reigning Most Valuable Player Grethcel Soltones na nagpakawala ng 13 puntos para dalhin ang Lady Stags sa ikapitong sunod na panalo at higit na patatagin ang kapit sa solong pamumuno.
Nagdagdag naman si Joyce Sta. Rita ng siyam na puntos at tig-walo naman buhat kina Dangie Encarnacion at Katherine Villegas.
Kung makukumpleto ng Lady Stag ang nine-game sweep, awtomatiko itong uusad sa finals tangan ang thrice-to-beat advantage.
Makakaharap ng Lady Stags sa kanilang huling dalawang laro ang Lyceum of the Philippine University sa Biyernes at College of St. Benilde sa Linggo.
“It will not be easy but we’ll be aiming for it,” wika ni San Sebastian coach Roger Gorayeb na siya ring humahawak sa national team at nagmamay-ari ng Grand Slam bilang mentor sa Shakey’s V-League.
Nagpatupad ng bagong format ang NCAA sa taong ito kung saan ang Final Four ay lalaruin sa pamamagitan ng crossover.
Maghaharap ang No. 1 at No. 4 at No. 2 at No. 3.
Ang dalawang mangungunang koponan sa pagtatapos ng eliminasyon ay mabibiyayaan ng twice-to-beat advantage. Ipatutupad din ang thrice-to-beat sa makaka-sweep at stepladder semifinals sa matitirang mga koponan.
Kasalukuyang nasa ikalawang puwesto ang nagdedepensang Arellano University na may 6-1 rekord kasunod ang College of St. Benilde (5-1) at University of Perpetual Help (4-2).
Sa men’s division, ginapi ng San Sebastian ang Letran, 18-25, 26-24, 25-23, 25-23 para umangat sa 3-4 marka.
Namayani rin ang San Sebastian sa juniors kontra sa Letran, 25-18 25-27, 25-13, 25-17 para sa kanilang ikatlong panalo.
Samantala, pupuntiryahin ng Perpetual Help Junior Altas na makuha ang ikalimang sunod na panalo laban sa San Beda Red Cubs ngayon sa Fil Oil Flying V Arena sa San Juan City.
- Latest