Ayo, Racela pararangalan sa Collegiate Awards Night
MANILA, Philippines – Pangungunahan nina Nash Racela ng Far Eastern University at Aldin Ayo ng Colegio de San Juan de Letran ang listahan ng mga pararangalan sa gaganaping University Athletic Association of the Philippines-National Collegiate Athletic Association Press Corps Collegiate Basketbal Awards sa Enero 26 sa Saisaki-Kamayan sa Greenhills.
Kikilalanin sina Racela at Ayo bilang Coaches of the Year matapos tulungan ang kani-kanilang koponan na masungkit ang kampeonato sa dalawang pinaka-prestihiyosong collegiate league sa bansa.
Minanduhan ni Racela ang Tamaraws para suwagin ang University of Santo Tomas Growling Tigers sa bedisyon ng 2-1 panalo sa kanilang UAAP Season 78 men’s basketball best-of-three championship series.
Naitala ng FEU ang 75-64 panalo sa Game 1 ngunit nakabawi ang UST sa Game 2 para itabla ang serye sa pamamagitan ng 62-56 desisyon.
Subalit matinding lakas ang ibinigay ng Tamaraws sa rubber match, 67-62, upang pormal na makuha ang kanilang ika-20 korona.
Sa kabilang banda, tinulungan ni Ayo ang Letran na tapusin ang kanilang isang dekadang pagkauhaw sa titulo.
Tinuldukan ng Knights ang dominasyon ng San Beda College sa bisa ng 2-1 panalo sa serye ng NCAA Season 91 men’s basketball para matamis na angkinin ang kanilang ika-17 korona sa pinakamatandang liga sa bansa.
Si Ayo ang ikaapat na rookie coach sa liga na tatanggap ng naturang parangal. Makakasama nito sa listahan sina Ato Agustin (2009), Juno Sauler (2013) at Boyet Fernandez (2013).
- Latest