Donaire gustong isunod si Gradovich
MANILA, Philippines – Bagama’t masaya si WBO superbantamweight champion Nonito Donaire Jr. sa kanyang pagbabakasyon at pagdiriwang ng nakaraang Araw ng Pasko at sa nalalapit na Bagong Taon, hindi pa rin nawawala sa kanyang isip ang boxing.
Kamakailan ay sinabi ni Donaire na si Russian Evgeny Gradovich ang susunod niyang lalabanan para sa optional title defense sa April 16 or 23 sa Smart Araneta Coliseum. Ngunit nilinaw ni Donaire na hindi pa ito pinal at sisimulan pa lamang ang negosasyon sa susunod na taon.
Bababa ang 29-anyos na si Gradovich sa super bantamweweight division para hamunin si Donaire.
Ang 5-8 right-hander na naging pro ay lumaban sa 131 pounds sa Kentucky noong March 2010 kung saan niya pinabagsak si Travis Bedwell sa first round.
Hindi pa siya lumalaban sa hindi lalampas sa 125 pounds at noong October ay tumimbang siya sa 127 pounds at tinalo si Brazilian Aldimar Silva Santos sa eight rounds via split decision sa Nebraska.
Si Gradovich, dating IBF featherweight champion, ay nakatakdang labanan si Mexican Jesus Galicia sa 10-rounder sa Spain sa Jan. 9.
“From what I know, the fight will be a co-promotion of Top Rank and ABS-CBN,” ani Donaire bumalik sa Manila noong Dec. 17 at planong manatili kasama ang asawang si Rachel at mga anak na sina Jarel at Logan hanggang sa katapusan ng Enero.
Pumirma ang 33-anyos na si Donaire ng isang one-year contract sa Top Rank.
Tatlong laban ang kanyang gagawin para sa Top Rank sa susunod na taon.
Si Gradovich ay may kontrata rin sa Top Rank kaya magiging madali ang kanilang negosasyon.
“Gradovich is a volume puncher,” wika ni Donaire.
Nagtala si Gradovich ng 126-24 record bilang amateur at tinawag na “The Mexican Russian” dahil sa kanyang pagiging agresibo kagaya ng mga Mexican fighters. (QH)
- Latest