Mojdeh malakas ang laban sa PSL female swimmer of the year
MANILA, Philippines – Bumabandera si Micaela Jasmine Mojdeh ng Immaculate Heart of Mary College-Parañaque sa karera bilang Philippine Swimming League (PSL) Female Swimmer of the Year matapos ang kanyang impresibong kampanya sa nakalipas na taon.
Itinanghal na Most Outstanding Swimmer si Mojdeh sa Indian Ocean All-Star Challenge sa Perth, Australia matapos humakot ng apat na ginto at isang pilak na medalya habang umani rin ito ng limang ginto at isang pilak kasama ang dalawang bagong rekord sa 11th Singapore Invitational Swimming Championship.
Hindi nagpaawat si Mojdeh nang sumisid pa ito ng tatlong ginto at isang pilak sa Japan Invitational Swimming Championship at isang ginto at isang pilak sa Singapore Midget Meet.
Nakapag-uwi rin ito ng apat na pilak at isang tanso sa Convoy Stingray Invitational Meet sa Hong Kong.
Maliban sa international competitions, may 13 Most Outstanding Swimmer awards ito sa PSL National Series at kasalukuyang may hawak ng 11 rekord sa short course at walong marka sa long course.
Kasama rin sa mga pinagpipilian si reigning Female Swimmer of the Year Kyla Soguilon ng Sun Yat Sen School-Kalibo na umani ng ginto sa Thailand, Australia, Singapore at Japan gayundin si Charize Juliana Esmero ng University of the Philippines Integrated School na nakapagbulsa rin ng ginto sa Hong Kong, Singapore at Japan.
Pasok din si 2015 Summer World University Games campaigner Joy Rodgers na nakapagtala naman ng bagong rekord sa UAAP Season 78 swimming competitions.
Kandidato rin si Aubrey Tom ng Marikina Aquabears na naka-walong ginto sa Thanyapura Invitational Swimming Championship sa Phuket, Thailand, dalawang ginto sa Singapore Midget Meet at isang pilak at apat na tanso sa Singapore Invitational Swimming Championship.
“Maganda talaga ang ipinakita ng mga bata ngayong taon sa international competitions and almost all of them deserving sa award,” sambit ni PSL President Susan Papa. (CCo)
- Latest