New Zealand juniors puwedeng lumaro sa Pinas sa SEA, Asian Games
MANILA, Philippines – Ngayon pa lang ay bumubuo na ang Squash Rackets Association of the Philippines (SRAP) ng solidong koponang isasabak sa malalaking international tournaments gaya ng Southeast Asian Games at Asian Games.
Kabilang sa mga tinututukan ng SRAP ang bagitong sina Matt Lucente at Rafa Yam na aktibong naglalaro sa ilang malalaking torneo sa New Zealand.
Kabilang sina Lucente at Yam sa New Zealand natonal junior team.
Ayon kay SRAP President Bob Bachmann, maaaring maglaro para sa Pilipinas sina Lucente at Yam dahil sa kanilang dual citizenship.
Sa katunayan, umuwi pa ng Pilipinas sina Lucente at Yam upang magpartisipa sa ginanap na SRAP National Open sa Makati Sports Club noong nakaraang linggo kung saan nakipagsabayan ang mga ito sa mga mas beteranong netters.
Nagbulsa ang 15-anyos na si Lucente ng tansong medalya matapos talunin sina Bachmann, 11-4, 11-5, 11-2; Dondon Espinola, 8-11, 11-5, 11-8, 11-7 at Mac Mac Begornia, 11-9, 7-11, 7-11, 11-8, 11-2.
Yumuko si Lucente sa semifinals kontra sa national team member Robert Garcia, 11-9, 11-5, 11-7.
Sa kabilang banda, nakaabot ng quarterfinals si Yam nang magtala ng panalo kay Ryan Lutz, 11-9, 11-3, 11-3.
Natalo ito kay Espinola sa quarterfinals, 11-9, 4-11, 6-11, 11-8, 11-6.
Si Yam ang team captain ng All-New Zealand national high school seniors team habang si Lucente ay nagkampeon sa Under-17 North Island Tournament na ginanap sa New Zealand sa taong ito.
- Latest