Lakers binitbit ni Kobe sa panalo vs Bucks
LOS ANGELES – Tumipa si forward Kobe Bryant ng 22 points sa tatlong quarters at tinulungan ang Los Angeles Lakers na wakasan ang kanilang six-game losing slump sa pamamagitan ng 113-95 paggupo sa Milwaukee Bucks sa NBA sa Staples Center.
Nagdagdag naman si rookie point guard D’Angelo Russell ng 19 points at 7 assists mula sa bench bukod pa sa pitong Lakers na nagtapos sa double figures sa scoring.
Umiskor si guard Lou Williams ng 16 points, habang humakot si forward Julius Randle ng 14 points at 14 rebounds at nag-ambag si center Roy Hibbert ng 12 points at season-high 11 rebounds para sa Los Angeles (4-21) na nanalo sa kanilang balwarte sa ikalawang pagkakataon ngayong season.
Tumapos naman si reserve guard Michael Carter-Williams na may 19 points at may 16 si guard Khris Middleton para pangunahan ang Milwaukee (10-16) na naipatalo ang tatlo sa kanilang huling apat na laro.
Samantala, tinalo ng Denver Nuggets ang Minnesota Timberwolves, 112-100, habang dinaig ng Sacramento Kings ang Houston Rockets, 107-97.
Sa Boston, kumolekta si Kevin Love ng 20 points at 8 rebounds para sa 89-77 panalo ng Cleveland Cavaliers laban sa Celtics.
Ito ang unang paglalaro ni Love sa Boston matapos mabalian ng balikat nang hilahin ni Celtics’ forward Kelly Olynyk sa playoffs.
Mula sa five-point deficit sa third period ay bumangon ang Cavaliers para iposte ang 10-point lead.
Umiskor si Avery Bradley ng 17 points para sa Boston.
- Latest