Diniskaril ang road Warriors Batang Pier umentra sa quarters
MANILA, Philippines – Sinabi ni Globalport coach Pido Jarencio na kailangan nilang humiwalay sa NLEX para makamit ang ikatlong quarterfinals berth.
Hindi naman siya binigo ng kanyang mga players, lalo na sina Terrence Romeo at Fil-Am Stanley Pringle, matapos talunin ng Batang Pier ang Road Warriors, 96-90, sa 2015 PBA Philippine Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Umiskor si Romeo ng 29 points, samantalang nagdagdag si Pringle ng 27 markers para sa ikalawang sunod na panalo ng Globalport (5-3) at solohin ang ikaapat na puwesto.
“Sabi ko sa kanila kailangan natin ng separation,” wika ni Jarenco.
“Sabi ko huwag intindihin ‘yung nasa itaas. Ang target namin is No. 3, 4, 5 o 6 para sa twice-to-beat.”
Nalasap naman ng NLEX ang kanilang pangalawang dikit na kabiguan para sa 4-4 baraha kasosyo ang Barangay Ginebra sa pang-limang posisyon.
Ipinoste ng Batang Pier ang 19-point lead, 54-35, sa halftime hanggang makalapit ang Road Warriors sa 70-77 sa pagsasara ng third quarter.
Isinalpak ni Romeo ang dalawang free throws mula sa foul ni Jonas Villanueva sa nalalabing 2.5 segundo para tuluyan nang selyuhan ang panalo ng Globalport.
Binanderahan ni Asi Taulava ang NLEX sa kanyang 29 points kasunod ang 17 ni Anthony at 10 ni Villanueva.
Kasalukuyang naglalaban ang San Miguel Beer at Mahindra kung saan pakay ng Beermen na masikwat ang unang semifinals seat habang sinusulat ito.
Samantala, pupuntiryahin ng Alaska ang ikapitong panalo at puwesto sa semis sa pakikipaglaban sa Meralco Bolts sa pagpapatuloy ng aksyon na lilipat sa Mall of Asia Arena ngayon.
Hawak ang 6-1 baraha, sasagupain ng Aces ang Meralco Bolts sa alas-7 ng gabi matapos ang upakan ng Barako Bull at Talk ‘N Text sa alas-5.
Globalport 96 - Romeo 29, Pringle 27, Jensen 14, Mamaril 9, Kramer 7, Washington 6, Pena 2, Sumang 2, Maierhofer 0, Semerad 0, Taha 0, Yeo 0.
NLEX 90 - Taulava 29, Anthony 17, Villanueva J. 10, Alas 9, Cardona 8, Villanueva E. 8, Khobuntin 5, Enciso 2, Lanete 2, Arboleda 0, Borboran 0, Reyes 0.
Quarterscores: 24-16; 53-35; 77-70; 96-90.
- Latest