Crawford may iba pang opsyon kung ‘di matuloy kay Pacquiao
MANILA, Philippines – Bagama’t umaasa si Terence Crawford na mapaplantsa ang kanilang upakan ni Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao, may opsyon din ang kampo ng undefeated titlist sakaling hindi ito mangyari.
Ito ang sinabi ni Cameron Dunkin, ang manager ni Crawford at ni dating world four-division king Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire Jr.
“Does Manny want to deal with this young, strong kid?” wika ni Dunkin sa panayam ng The Sweet Science.
Naipadala na ni Bob Arum ng Top Rank Promotions kay Pacquiao sa Israel ang mga fight tapes nina Crawford, Amir Khan at Timothy Bradley Jr.
Kumpiyansa si Arum na bago matapos ang Nobyembre ay magkakaroon na ng desisyon ang 36-anyos na si Pacquiao, itatakda ang pinakahuli niyang laban sa Abril 9, 2016 bago tutukan ang kanyang political career.
Kapwa naging impresibo sa kanilang mga huling panalo sina Crawford at Bradley, tinalo si Pacquiao via split decision noong 2012 bago nabawian ni ‘Pacman’ sa kanilang rematch noong 2013.
Dinomina ni Crawford si Dierry Jean, habang pinigil ni Bradley si Brandon Rios sa ninth round.
Kasalukuyang hawak ni Crawford ang WBO light welterweight crown, habang suot naman ni Bradley ang WBO welterweight belt.
- Latest