PSL palaban sa titulo ang isasabak sa VTL meet
MANILA, Philippines – Magpapadala ang Philippine Superliga (PSL) ng isang malakas na koponan na siyang isasabak sa three-nation club tournament na itataguyod ng Volleyball Thailand League (VTL) sa Bangkok, Thailand sa susunod na taon.
Ayon kay PSL president Ramon Suzara, nakatanggap ang liga ng imbitasyon mula sa VTL para lumahok sa torneong pansamantalang nakatakda sa Marso 22 hanggang 28 kung saan apat na koponan mula sa Thailand at isa mula sa Vietnam ang maglalaban-laban.
Posibleng ipadala ng PSL ang koponang magkakampeon o nagkampeon na sa isang kumperensiya ngunit maari rin itong bumuo ng isang solidong koponan mula sa iba’t ibang clubs gaya nina Rachel Anne Daquis, Dindin Manabat at Aby Maraño ng Petron; Jaja Santiago ng Foton, Cha Cruz ng Meralco, Maika Ortiz ng RC Cola-Air Force; Michelle Gumabao at Lindsay Dowd ng Philips Gold; at Jheck Dionela ng Cignal.
Inihayag din ni Suzara na naghahanda ang VTL ng malaking papremyo upang matiyak na magiging pukpukan ang labanan sa naturang event.
Sa katunayan, darating bukas ang deputy managing director ng SMMTV na si Prajaya Chaiyakam kasama ang kanyang grupo upang mapanood ang Game 1 PSL Grand Prix best-of-three finals sa pagitan ng Foton at Petron sa Huwebes.
- Latest