5TH DELeague pakakawalan sa Linggo
MANILA, Philippines - Apat na koponan ang magrarambulan para sa kanilang unang panalo sa paglarga ng 5th DELeague basketball tournament sa Linggo sa Basketball Covered Court sa Marikina Sports Center.
Unang magsasalpukan ang Hob Bihon-Cars Unlimited at Mindanao Agilas sa ganap na alas-5 ng hapon bago sundan ng tagisan ng Macway Travel at Austen Morris Associates (AMA) sa alas-6 ng gabi.
Isang simpleng opening ceremony ang mangyayari sa alas-4 ng hapon at pangunahing bisita rito ay si Marikina Mayor Del de Guzman na siyang organizer din ng palaro.
“Sa loob ng nakaraang apat na taon ay naging matagumpay ang ligang ito dahil sa suporta ng mga manonood, sponsor at mga tao sa likod ng DELeague basketball tournament. Naniniwala tayo na sa pamamagitan ng ligang ito ay maraming kabataan ang mahihimok na maglaro ng basketball at lumayo sa masasamang bisyo,” wika ni De Guzman.
Ang mga kasali ay hinati sa dalawang grupo at nasa Group A ang Hobo Bihon-Cars Unlimited, Agilas, FEU-FERN, Our Lady of Fatima University at Metro Pacific Toll Corp-Tollways habang ang Macway Travel, Sta. Lucia Land, AMA, Philippine Christian University, Power Innovation Philippines at Philippine National Police ang nasa Group B.
Libre sa lahat ang unang araw ng kompetisyon sa ligang sinusuportahan din ng PSBank, Accel Sportswear, PCA–Marivalley, Mckie’s Construction Equipment Sales and Rentals at Luyong Panciteria.
- Latest