Para sa hosting ng Olympic qualifier: SBP nagbayad na ng ‘administrative fee’
MANILA, Philippines - Nagbayad na ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ng 20,000 Euros o P1.05 milyon sa FIBA para ipakita ang pagiging seryoso sa hangaring madala sa bansa ang isa sa tatlong Olympic qualifying tournament sa Hulyo, 2016.
Ang “administrative fee” ay tinanggap ng FIBA at nagpalabas sila ng resibo at isang 136-pahinang dokumento na naglalaman ng mga kasunduan sakaling mapili ang bansa para tumayong punong-abala sa kompetisyon.
Si SBP deputy executive director for international affairs Butch Antonio ang nagdala ng pera sa FIBA upang magiging bukod-tanging bansa sa Asia na gustong mag-host ng kompetisyon.
Ang iba pang bansa na interesado sa hosting ay ang Mexico, Canada, Italy, Turkey, Russia, Germany at Serbia.
Sa Nobyembre 9 pa ang deadline para sa mga gustong mag-bid at sa Nov. 23 ay magpupulong ang 9-man FIBA Executive Committee sa Mies, Switzerland para tukuyin ang tatlong bansa na hosts ng qualifying tournament.
Nasa 15 bansa ang naghahabol pa na makapasok sa Rio Olympics kung mapangunahan ang isa sa tatlong huling qualifiers.
May siyam na bansa na ang pasok at 12 lamang ang maglalaro sa Olympics.
Nagkainteres ang SBP na makuha ang hosting matapos payagan ng PBA ang 17 manlalaro na nais nilang makasama sa pool ng players na pagmumulan ng koponan na ilalaban dito.
Tumapos ang Pilipinas sa pangalawang puwesto kasunod ng China sa FIBA Asia Men’s Championship kahit ang bumuo sa koponan ay hindi orihinal na gusto ni coach Tab Baldwin at nagsanay lamang sa loob ng dalawang buwan.
- Latest