PCA Open-Cebuana Lhuillier ITF Men’s Futures 2 hahataw na! Pinoy netters ‘di patatalo sa mga dayuhang tenista
MANILA, Philippines – Karanasang nakuha sa paglalaro sa Philippine Columbian Association clay court ang gagamitin ng mga local players para maisahan ang mga bigating dayuhan na kasali sa 34th PCA Open-Cebuana Lhuillier ITF Men’s Futures 2 na magsisimula ngayon sa Paco, Manila.
Sina Patrick John Tierro, Francis Casey Alcantara, Johnny Arcilla, Jeson Patrombon, Elbert Anasta Diego Garcia Dalisay, Rolando Ruel at Bryan Otico ang mga magdadala ng laban sa bansa sa men’s singles sa kompetisyong sinahugan ng $15,000 ng mga tagapag-taguyod na Cebuana Lhuillier, Puma, Dunlop, The Philippine Star, Head, Babolat, Compass/IMOSTI at Sarangani Rep Manny Pacquiao.
Ang finalists sa PCA Open ay awtomatikong nabigyan ng puwesto sa ITF event na ito at sina Tierro at Alberto Lim Jr. ang nakakuha ng nasabing puwesto.
Ngunit ang 16-anyos na si Lim na nagkampeon sa Open ay hindi makakasali dahil sa pagkakaroon ng sakit.
Sina Alcantara, Arcilla, Patrombon at Anasta ay nabigyan ng wild card habang mga qualifiers sina Dalisay, Ruel at Otico.
“Mabigat ang laban dito at kailangang focus ka sa bawat laro,” wika ng 6’1 na si Tierro.
Mangunguna sa mga dayuhan ay si Enrique Lopez-Perez ng Spain na siyang top seed sa pagiging 355th ranked netter sa mundo.
Kasali rin si Makoto Ochi ng Japan na siyang nagkampeon sa Future 1 na ginawa sa Valle Verde sa Pasig City noong nakaraang linggo.
Sina Tierro at Arcilla ay maglalaro rin sa doubles competition bilang mga kampeon sa dibisyon sa PCA na ginawa noong nakaraang buwan.
“This event will provide our players the opportunity to improve their world ranking and gives them the much needed exposure against world class players,” ani Jean Henri Lhuillier,Pangulo at CEO ng Cebuana Lhuillier na chairman din ng Philippine Lawn Tennis Association (Philta). (AT)
- Latest