Cignal susubukan ang Philips Gold
MANILA, Philippines – Ikalawang sunod na panalo ang pagsisikapang abutin ngayon ng Cignal HD Lady Spikers habang mag-uunahan sa pagbangon mula sa kabiguan ang Petron Lady Blaze Spikers at Meralco Power Spikers sa pagpapatuloy ng 2015 Philippine SuperLiga (PSL) Grand Prix women’s volleyball sa The Arena sa San Juan City.
Ito ang unang pagkakataon na magdaraos ng aksyon ang ligang inorganisa ng SportsCore at handog ng Milo at Asics na mapapanood din sa TV5 at tiyak na matutuwa ang mga sasaksi dahil inaasahang matinding aksyon ang matutunghayan sa apat na maglalabang koponan.
Kalaban ng HD Lady Spikers ang Philips Gold Lady Slammers sa tampok na laro dakong alas-6:15 ng gabi at sasakyan nila ang momentum sa naitalang 18-25, 17-25, 25-16, 25-18, 16-14 five sets upset panalo laban sa nagdedepensang kampeon Lady Blaze Spikers.
Ang nasabing tagumpay ay magtitiyak na paghahandaan na ang Cignal ng iba pang kasaping koponan bagay na alam ni coach Sammy Acaylar.
“Lahat naman ng teams ay naghahanda kaya of course, naghahanda rin kami,” wika ni Acaylar.
Pangunahing manlalaro ng koponan ay ang mahusay na si 6’1 Ariel Usher na nagpakawala ng 29 kills tungo sa 31 puntos.
Hindi rin pahuhuli ang nadiskubre sa Bacolod na si Fritz Joy Gallenero na tumapos taglay ang 14 puntos at ang isa pang matangkad na import na si 6’2 Amanda Anderson.
Tiyak na handa ang Philips Gold na tapatan ang puwersa ng Cignal para sa magarang pagbubukas ng kampanya sa huling conference ng liga.
Rambulan para sa unang panalo ang magaganap sa Petron at Meralco sa unang laro sa ganap na alas-4:15 ng hapon.
- Latest