Lim, Patrimonio kampeon sa PCA Open
MANILA, Philippines – Kinumpleto ng 16-anyos junior netter na si Alberto Lim Jr. ang magarang kampanya sa 34th Philippine Columbian (PCA) Open Wildcard Tournament sa pamamagitan ng 6-3, 7-6 (5) tagumpay laban sa nagdedepensang kampeon na si Patrick John Tierro sa finals kahapon sa PCA clay court sa Paco, Manila.
Hindi naging problema kay Lim ang kinatatakutang mabibigat na serves ng 6’1 na si Tierro at nakitaan din siya ng pasensya at mas pulidong laro para makuha ang korona matapos masibak noong nakaraang taon sa quarterfinals.
“Siya po ang defending champion at malakas ang kanyang serve at mga forehand. Sinikap ko lang na laruin ang laro ko ay maging solid. Ang mga first serves ko dapat accurate at every point di puwedeng magmintis,” wika ni Lim na nakuha rin ang P50,000.00 unang gantimpala.
Pumangalawa lang ay pasok naman na si Tierro, nagbulsa ng P25,000 at Lim sa main draw sa Manila ITF Men’s Futures Leg 2 sa susunod na buwan.
Nakisalo kay Lim si Clarice Patrimonio na tinalo si Maia Balce, 6-4, 6-3, para sa women’s singles titles sa kompetisyong suportado ng Cebuana Lhuillier, Puma, Dunlop, The Philippine Star, Head, Babolat, Compass/IMOSTI at Sarangani Province Rep. Manny Pacquiao.
- Latest