Ateneo, UE gustong maka-back-2-back
MANILA, Philippines – Sa kanilang unang panalo ay inasahan ng Ateneo ang kanilang superstar, habang sinandigan ng University of the East ang rookie guard nilang mula sa General Santos City.
Kumamada si Kiefer Ravena ng 24 points, 3 assists at 3 steals para tulungan ang Blue Eagles sa 84-60 paglampaso sa Adamson Falcons noong nakaraang Sabado.
Humugot naman si rookie guard Bonbon Batiller ng 14 sa kanyang 24 points sa third period para igiya ang Red Warriors sa 76-71 pagdaig sa nagdedepensang National University Bulldogs.
Muling sasandigan ng Ateneo si Ravena sa pagsagupa sa NU ngayong alas-4 ng hapon, samantalang aasahan ng UE si Batiller sa pagharap sa Adamson sa alas-2 sa 78th UAAP men’s basketball tournament sa Smart Araneta Coliseum.
“It was a really good win for us, especially for our own confidence,” sabi ni coach Bo Perasol sa kanyang Blue Eagles na nakahugot ng 12 kay Von Pessumal at 11 kay Aaron Black, anak ni PBA Grand Slam coach Norman Black.
Tatangkain naman ng Bulldogs na makabangon mula sa 0-2 panimula, ang huli ay nang matalo sa Red Warriors kung saan nalimitahan si import Alfred Aroga sa 8 points.
Sa nasabing kabiguan ng NU ni mentor Eric Altamirano ay nagposte si veteran guard Gelo Alolino ng 23 points, 5 rebounds at 4 assists, habang nag-ambag si Pao Javelosa ng 16 marker.
Kagaya ng Ateneo, puntirya rin ng UE ang kanilang ikalawang sunod na ratsada, habang asam ng Adamson na makuha ang una nilang panalo.
- Latest