Pacquiao-Brook fight ikakasa ni Arum kapalit ni Mayweather
MANILA, Philippines – May ipinalit na si promoter Bob Arum kay Floyd Mayweather Jr. para sa posibleng makakasagupa ni Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao sa susunod na taon.
Ito ay ang kasalukuyang International Boxing Federation welterweight king na si Kell Brook, nagdadala ng malinis na 36-0-0 win-loss-draw ring record kasama ang 24 knockouts.
Ang tubong Sheffield, South Yorkshire, England ay nagmula sa TKO win laban kay Frankie Gavin noong Mayo at nakatakdang labanan si Diego Chavez sa Oktubre 24 sa Sheffield England.
Inalis ni Arum ng Top Rank Promotions ang pangalan ni Mayweather matapos magretiro ang American world five-division titlist nang mapantayan ang record na 49-0 win-loss ring record ni heavyweight legend Rocky Marciano mula sa kanyang unanimous decision win kay Andre Berto noong Linggo sa MGM Grand.
“Mayweather? He said he’s going to retire,” wika ni Arum sa 38-anyos na si Mayweather (49-0-0, 26 KOs) na tumalo kay Pacquiao (57-6-2, 38 KOs) noong Mayo 2 sa MGM Grand.
Maliban kay Brook, ang iba pang nasa listahan ni Arum para labanan ni Pacquiao ay ang 26-anyos na si Amir Khan (31-3-0, 19 KOs) at ang 29-anyos na si Terence Crawford (26-0-0, 18 KOs) na siyang World Boxing Organization light welterweight title-holder.
Hindi naman nabanggit ni Arum si Danny Garcia (31-0-0, 18 KOs) na mas gusto ni trainer Freddie Roach na makaharap ni Pacquiao.
Ngunit sinabi ni Arum na bago maitakda ang susunod na laban ng Fighting Congressman ay kailangan muna niyang bumalik kay surgeon Neal ElAttrache sa Kerlan-Jobe Orthopaedic Clinic sa Los Angeles para sa follow-up check up sa kanyang kanang balikat. Inoperahan ang kanang balikat ni Pacquiao limang araw matapos ang kanyang laban kay Mayweather.
- Latest