Austria pararangalang Coach of the Year ng PBAPC
MANILA, Philippines - Dahil sa pag-angkin sa dalawa sa tatlong conference titles sa nakaraang season, hinirang si Leo Austria ng San Miguel bilang 2015 SCBC-8 Entertainment Corporation-Coach of the Year sa pagdaraos ng PBA Press Corps (PBAPC) ng Annual Awards Night sa Miyerkules sa Century Park Hotel.
Hindi malilimutan ang pagbabalik ni Austria sa PBA bilang coach nang igiya ang Beermen sa korona ng Philippine Cup at Governor’s Cup.
Para makuha ang Philippine Cup title ay tinalo ng San Miguel ang Alaska sa Game 7 at matapos namang masibak sa playoffs ng Commissioner’s Cup ay bumangon ang koponan para pagharian ang Governors’ Cup.
Ito ay matapos walisin ng Beermen ang kanilang seven-game series ng Aces.
Dahil dito ay iginawad sa dating Rookie of the Year (1985) ang Virgilio ‘Baby’ Dalupan Coach of the Year na ipinangalan sa legendary Crispa Redmanizers mentor.
Nagsimula ang coaching career ni Austria sa PBA nang palitan si John Moran sa Shell kasunod ang paggiya sa Welcoat Paints (ngayon ay Rain or Shine) noong 2006.
Si Austria ang ikatlong SMB coach na nakakuha ng naturang award at una matapos ang 15 taon para makahanay sina American Ron Jacobs (1997) at Jong Uichico (2000).
- Latest