Shakey’s V-league Tigresses buhay pa; Lady Bulldogs sa Finals
MANILA, Philippines - Nakitaan ng mas mataas na lebel ng paglalaro ang UST Tigresses para tapusin ang 10-sunod na panalo ng Ateneo Lady Eagles, 25-18,16-25, 23-25, 22-25 sa Shakey’s V-League Season 12 Collegiate Conference semifinals kahapon sa San Juan City.
May 17 puntos si Ennajie Laure habang sina Carmela Tunay, Marivic Meneses at Pamela Lastimosa ay naghatid pa ng 15, 12 at 10 puntos para manatiling buhay ang paghahabol sa titulo sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s at handog ng PLDT Home Ultera.
Si Alyssa Valdez ay mayroong 24 puntos habang sina Bea De Leon at Kim Gequillana ay humataw ng 13 at 10 puntos para sa Lady Eagles na ininda ang 28 errors para sumailalim pa sa do-or-die game sa Miyerkules.
Sa 14 at 13 kills nina Tunay at Laure ay natapatan ng Tigresses ang 46 attack points ng Lady Eagles habang sina Jessey De Leon at Sarah Princess Verutiao ay may tig-tatlong aces upang hawakan ng koponan ang 12-7 bentahe.
Hindi naman nagpabaya pa ang National University Lady Bulldogs dahil sinibak na nila ang nagdedepensang kampeon na FEU Lady Tamaraws, 20-25, 25-13, 25-21, 25-16 sa unang laro.
Walang nabago sa naunang matikas na paglalaro ng mga beteranang sina Myla Pablo, Jaja Santiago, Aiko Urdas at Jorelle Singh nang magtala sila ng 23, 17, 11 at 10 marka, ayon sa pagkakasunod para walisin ng NU ang FEU sa kanilang best-of-three series kahit hindi nakasama ang 6’2 guest player na si Dindin Manabat.
Pinamahalaan ng beteranang setter na si Rubie De Leon ang pagpapatakbo sa opensa sa kanyang ibinigay na 24 excellent sets habang ang liberong si Fatima General ang nagtrangko sa magandang depensang inilatag sa kanyang 21 digs bukod sa 13 excellent receptions.
- Latest