Mayweather nandaya sa laban nila ni Pacquiao gumamit ng banned substance
MANILA, Philippines - Maliwanag na may ginawang pandaraya si Floyd Mayweather Jr.
Tumanggap si Mayweather ng vitamin injection bago ang kanilang laban ni Manny Pacquiao noong Mayo 2 na malinaw na paglabag sa alituntunin ng World Anti-Doping Agency (WADA).
Sa report ng SB Nation, sinabi ni Nevada State Athletic Commission (NSAC) executive director Bob Bennett na pinayagan ng United States Anti-Doping Agency si Mayweather na maturukan ng saline at vitamins na ipinagbabawal ng WADA.
“The TUE (therapeutic use exemption) for Mayweather’s IV -- and the IV was administered at Floyd’s house, not in a medical facility, and wasn’t brought to our attention at the time -- was totally unacceptable,” wika ni Bennett.
Ang tinatawag na IVs, may halong 250-milliliter mixture ng saline at multivitamins at isang 500-milliliter mixture ng saline at Vitamin C, ay itinurok kay Mayweather para sa rehydration matapos ang kanilang weigh-in ni Pacquiao.
“I’ve made it clear to (USADA CEO)Travis Tygart that this should not happen again. We have the sole authority to grant any and all TUEs in the state of Nevada,” ani Bennett. “USADA is a drug-testing agency. USADA should not be granting waivers and exemptions. Not in this state. We are less than pleased that USADA acted the way it did.”
Ang USADA ay kinomisyon nina Pacquiao at Mayweather para magsagawa ng random drug testing para sa kanilang mega fight.
Hindi pinayagan ng NSAC si Pacquiao na maturukan ng painkiller na Toradol sa gabi ng kanilang upakan ni Mayweather para mabawasan ang kirot ng kanyang injured rotator cuff.
Ayon naman sa medical team ni Mayweather, ang American fighter ay tinurukan ng dalawang magkaibang vitamin mixes para sa dehydration.
Bagama’t hindi kabilang ang nasabing injections sa anumang banned substances, ang IVs ay nanatili namang banned sa ilalim ng WADA guidelines dahil ito ang tumutunaw o nagtatakip sa anumang substance.
Halos tatlong linggo matapos ang laban ay binigyan ng USADA si Mayweather ng isang retroactive therapeutic use exemption sa kanyang pagtanggap ng IV injections.
Ang drug testing guidelines ang naging unang isyu sa pagtatakda ng laban nina Pacquiao at Mayweather.
Sa katunayan ay minsan nang pinaratangan ng kampo ni Mayweather at ni Oscar Dela Hoya si Pacquiao na gumagamit ng performance-enhancing drugs (PEDs).
Ngunit nang idemanda sila ni Pacquiao ay binawi nila ang kanilang mga alegasyon.
- Latest