Spikers’ Turf Ateneo vs NU sa finals
Laro sa Setyembre 20 (The Arena, San Juan City)
3 p.m. Ateneo vs National University (Game One Finals)
MANILA, Philippines – Lumabas ang matikas na depensa ng NU Bulldogs para samahan ang Ateneo Eagles na nagwagi sa mga katunggali sa Spikers’ Turf Collegiate Conference semifinals kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Nasunod ang plano ng Bulldogs dahil si Howard Mojica ang muling kumawala ng puntos pero naposasan ang iba niyang kakampi para angkinin ng NU ang 25-19, 25-22, 22-25, 25-22 panalo sa Emilio Aguinaldo College Generals.
Sina Madzlan Gampong at Kim Malabunga ay nagsanib sa pitong blocks para tulungan ang Bulldogs sa 14-5 bentahe sa nasabing departamento.
Ang liberong si Ricky Marcos ay mayroong siyam na digs para hawakan pa ito ng NU, 17-11 upang ipakita ang solidong depensa.
Tumapos si Gampong taglay ang 17 puntos na nagmula sa 14 kills, 3 blocks at 2 aces habang sina Bryan Bagunas, Fauzi Ismail at Malabunga ay naghatid pa ng 17, 12 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod .
May 31 puntos si Mojica at si Hariel Doguna ay nag-ambag ng 11 puntos ngunit wala ng iba pa ang nasa double digits. Isa pa sa nagpabagsak sa NCAA champion Generals ay ang 28 errors.
Hindi naman nagkaroon ng problema ang Ateneo dahil lutang uli ang lakas ng Eagles sa attack para sa 25-19, 25-13, 25-22 panalo sa NCBA Wildcats.
May 50-26 lamang sa kills ang Eagles at ibinuhos ni Marck Espejo ang lahat ng 11 puntos sa kills habang 10 sa naitalang 11 sa laro ni Ysrael Marasigan ay mula sa mga attack points upang umabante sa finals sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng PLDT Home Ultera.
Ang pagkikita ng Eagles at Bulldogs ay tagisan ng mga naglaban sa UAAP Finals noong nakaraang taon at magkakaroon ang magkabilang koponan na makapaghanda dahil sa Setyembre 20 pa magbubukas ang best-of-three finals.
- Latest























