Sariling record giniba ni Obiena sa Thailand meet
MANILA, Philippines – Winasak uli ni Ernest John Obiena ang kanyang national record tungo sa isang ginto sa idinadaos na Thailand Open Track and Field Invitational sa Bangkok.
Ang 19-anyos na si Obiena ay isa sa tatlong atleta ng Pilipinas na isinali sa kompetisyon mula Setyembre 6 hanggang 9 at napagtagumpayan niya na muling baguhin ang national record na 5.30m sa naitalang 5.40m.
Walo ang naglaban sa kompetisyon at tinalo ni Obiena ang dalawang local bets na nakagawa lamang ng 5.20m at 4.90m.
Isang silver medalist sa Singapore SEA Games, ito na ang ika-12 pagkakataon na sinira ni Obiena ang kanyang personal best na nagsimula sa 4.90 meters.
Ang bagong marka ay magandang senyales sa hangarin ni Obiena na makapasok sa 2016 Rio Olympics na kung saan ay kailangan niyang maabot ang 5.70m qualifying mark.
Bago sumali sa Thailand Open ay sumailalim uli si Obiena sa pagsasanay sa Formia, Italy sa ilalim ng maalamat na pole vault coach na si Vitaly Petrov.
Hanggang sa unang quarter ng 2016 ang qualifying para sa athletics sa Rio Olympics at maganda ang tsansa ni Obiena na maging ikalawang manlalaro mula sa athletics ng bansa na makapasok sa Rio.
Ang unang nakakuha ng tiket sa Summer Games sa susunod na taon ay ang Fil-Am 400-m hurdles specialist na si Eric Cray.
Sina Junrey Vibas at Ryan Bigyan ang mga nakasama ni Obiena sa nasabing kompetisyon at sila ay kasali sa decathlon at 400m run, ayon sa pagkakasunod.
Tatlo lamang ang ipinadala ng PATAFA dahil ang ibang atleta ay bumalik sa mother units sa Armed Forces of the Philippines (AFP) habang si Cray ay nagdesisyon na magpahinga na matapos sumali sa World Championships sa China na kung saan hindi siya umabante sa semifinals sa paboritong event. (AT)
- Latest