Suarez muling magtatangka na sumikwat ng tiket sa Rio
MANILA, Philippines – Matapos sina light flyweight Rogen Ladon at welterweight Eumir Felix Marcial, si lightweight Charly Suarez ang magpipilit namang makalapit sa isang tiket para sa 2016 Olympic Games.
Nakatakdang sumabak si Suarez sa darating na AIBA Pro Boxing tournament sa Uzbekistan sa Setyembre 17 na magtatampok sa top 80 amateur fighters sa 10 weight classes.
Nabigo ang 27-anyos na si Suarez na makapasok sa medal round ng nakaraang ASBC Asian Boxing Championships sa Bangkok, Thailand.
“Kailangang mag-gold or silver ka para sigurado,” sabi ni Boxing Alliances in the Philippines executive director Ed Picson kahapon sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum sa Shakey’s Malate.
Sa pagtatapos ng APB cycle, ang top two boxers sa bawat weight class ay awtomatikong makakakuha ng silya sa 2016 Olympics sa Rio De Janeiro, Brazil na nakatakda sa Agosto 5-21.
Sinabi ni Picson na dapat umakyat si Suarez sa No. 2 sa kanyang weight division para makatiyak ng puwesto sa Rio Olympics.
“He must win his next fight. And if he overtakes the No. 2 boxer in his weight class, he qualifies to the Olympics,” wika ni Picson kay Suarez na No. 3 sa kanyang dibisyon at may 3-3 record sa APB.
Ang kasalukuyang No. 1 sa lightweight class ay si Hurshiv Tojibaev ng Uzbekistan kasunod si Dimitry Polyanskiy ng Russia.
Kung mabibigo si Suarez sa APB ay may tsansa pa rin siya sa World Series of Boxing.
- Latest