Gilas natakasan ang pisikal na laro ng Russia
TAIPEI – Bumangon ang Gilas Pilipinas mula sa kabiguan sa South Korea para talunin ang pisikal na Spartak-Primorye ng Russia, 85-71 sa 2015 William Jones Cup kahapon dito sa Xinchuang Gymnasium.
Nagposte ang Nationals ng 19-point lead, 84-65, sa fourth quarter para tuluyang gibain ang Russians sa nine-team, eight-nation tourney.
Hindi umatras ang Gilas, may 2-1 record ngayon kagaya ng Russia, sa pisikal na laro ng Spartak-Primorye kung saan muntik nang magkaroon ng ‘free-for-all’ sa pagsisimula pa lamang ng first period.
Ang nagpainit sa sitwasyon ay ang hardfoul ni Aleksei Goliakhov kay Gilas guard Terrence Romeo.
Tinawagan sina Goliakhov, Alimdzhan Fediushin at Romeo ng technical foul.
Nagkaroon naman ng sugat si Sonny Thoss nang masiko ni Fediushin.
Limang tahi ang kinailangan para maisara ang naturang sugat sa ulo ni Thoss na hindi na ibinalik ni coach Tab Baldwin.
“It’s a good experience and good win for the team,” sabi ni Baldwin. “Had they backed down from them, they would have to confront me.”
Tumapos si Ranidel de Ocampo na may 13 points, tampok dito ang tatlong tres, habang may 11 markes si Romeo kasunod ang tig-10 nina Calvin Abueva, Matt Ganuelas at Moala Tautuaa.
“Everybody had to play. They made mistakes. Our game was not polished but everybody stepped up and contributed,” wika pa ni Baldwin.
“What I liked the most was that we played with our roles – the shooters getting their shots, the rebounders getting the rebounds. From that standpoint, it’s a team win,” dagdag pa nito.
Hindi naman ginamit ni Baldwin sina Gary David, Jason Castro, Marc Pingris at Gabe Norwood.
Dahil sa tinamong sugat, nalimita si Thoss sa dalawang minutong paglalaro makaraang lisanin ang floor.
Binalikat naman ni Asi Taulava ang iniwang puwesto ni Thoss na kumunekta ng pitong puntos, anim na rebounds at isang assists.
Gilas Pilipinas 85 – De Ocampo 13, Romeo 11, Abueva 10, Tautuaa 10, Ganuelas 10, Intal 8, Taulava 7, Rosario 6, Hontiveros 6, Alapag 3, Thoss 1, Ramos 0.
Spartak 71 – Glazyrin 23, Goliakhov 12, Uzinskii 11, Savelev 10, Ferorkhov 5, Fediushin 5, Ivanov 4, Zverokv 1.
Quarterscores: 20-23, 43-40, 61-50, 85-71.
- Latest