5-ABAP boxers sasabak sa Thailand slugfest
MANILA, Philippines – Umalis na kahapon ang limang boxers na aasahan na makakuha ng medalya sa gaganaping ASBC Asian Boxing Championship sa Bangkok, Thailand mula Agosto 26 hanggang Setyembre 5.
Pangungunahan ang koponan ni lightweight Charly Suarez na galing sa magandang pagpapakita sa AIBA Pro Boxing sa Tashkent, Uzbekistan.
Dalawang panalo ang naitala niya sa kompetisyong kinatatampukan ng walong nangungunang boksingero sa mundo sa bawat kategorya upang ipalagay na palaban siya sa medalya sa Asian meet.
Ang mga Singapore SEA Games gold medalists na sina Ian Clark Bautista (52kg), Mario Fernandez (56kg) at Eumir Felix Marcial (60kg) ay kasama rin bukod sa silver medalist sa light flyweight (48kg) na si Rogen Ladon.
Hindi pa rin pupuwede ang London Olympian na si Mark Anthony Barriga na naoperahan sa kamay kaya’t si Ladon ang kakatawan sa nasabing dibisyon.
Ang Asian Championships ay isang qualifying event para sa AIBA World Boxing Championships sa Doha, Qatar ngayong Oktubre 7 hanggang 17 na isang Olympic qualifying event.
Sampung weight classes ang paglalabanan sa Asian meet at ang mangungunang pitong boxers sa 49kg, 52kg, 56kg, 60kg, 64kg, 69kg, 75kg at 81kg ay aabante sa World Championships.
Pero anim na lamang ang puwedeng paglabanan dito dahil ang isang slot ay nakareserba na sa mga boxers ng host Thailand.
Tatayong head delegation si ABAP executive director Ed Picson. (AT)
- Latest