PBA babaguhin ang iskedyul ng laro
TOKYO – Plano ng Philippine Basketball Association na magsagawa ng pagbabago ukol sa iskedyul ng mga laro sa darating na 41st season bagamat malaki ang naging total revenues ay bumagsak naman ang gate attendance sa nakaraang season.
Ito ang ipinaramdam ng PBA board of governors sa kanilang summit dito sa Tokyo Hilton.
Tinukoy na ng mga league officials ang mga bagay na gusto nilang analisahin para mapanatiling masigla ang PBA na ipinagmamalaki ng mga Filipino basketball fans.
“We reported to the board the performance of the league last season. Revenue-wise, combined both the PBA and PBA Properties, there was an overall growth of three percent. But while the sponsorship aspect increased, the mix of the growth is not good because the core business of the PBA which is really gate attendance and gate receipts are down,” sabi ni Chito Salud, ang dating league commissioner at ngayon ay PBA president/chief executive officer.
Bagama’t umabot ang PBA sa P200-million mark sa ikalawang sunod na season, nangamba naman ang local pro league dahil sa pagbagsak ng gate attendance at gate sales down ng 10 percent at 18 percent, ayon sa pagkakasunod, sa nakaraang dalawang taon.
Tumipak ang PBA Season 39 ng P248 milyon sa gate receipts.
Gusto rin ng PBA na palakasin ang tatlong expansion teams sa susunod na season na magbubukas sa Oktubre 18.
Iniisip din ng liga ang playing venue.
“We want to avoid playing in smaller venues, meaning venues that are not either Smart Araneta Coliseum or MOA because the capacity and convenience of those venues have an impact on the gate attendance,” ani Salud.
Tinukoy din ng mga PBA officials ang epekto ng iskedyul sa gate attendance.
Binanggit din ni Salud ang pinaikling season at conference breaks ng liga bilang suporta sa pagsasanay ng Gilas Pilipinas para sa mga international meets.
Ang iba pang nasa PBA conference ay ang bagong PBA commissioner na si Chito Narvasa, dating chair Patrick Gregorio, vice chair Erick Arejola ng Globalport at sina governors Al Panlilio ng Meralco, Ramoncito Fernandez ng NLEX, Al Chua ng Ginebra, Rene Pardo ng Star Hotshots, Manny Alvarez ng Barako Bull, Mert Mondragon ng Rain or Shine, Dickie Bachmann ng Alaska, Tom Alvarez ng Kia at Wilbert Loa ng Blackwater.
- Latest