‘Three-peat’ hangad ng PSL tankers sa swimfest
SINGAPORE -- Mataas ang morale na dumating sa Singapore kahapon ng umaga ang mga manlalangoy na ipinadala ng Philippine Swimming League (PSL) para sumali sa dalawang araw na 2015 Singapore Invitational Swimming Championship sa Singapore Island Country Club (SICC) dito.
Bukas magsisimula ang aksyon at buo ang loob ng mga napili na harapin ang misyon --- ang mapanatili sa Pilipinas sa ikatlong sunod na taon ang overall title.
“Lahat ng mga kasama rito ay mga palaban. That is why we are confident we will win at least 30 gold medals,” wika ni PSL president Susan Papa.
Noong nakaraang taon ay umani ang ipinadalang delegasyon ng 69 gold, 55 silver at 37 bronze medals para sa matagumpay na pagdepensa sa titulo.
Ang mga mangunguna sa paghakot ng ginto ay ang mga beteranong sina Sean Terence Zamora, Kyla Soguilon, Martin Jacob Pupos, Micaela Jasmine Mojdeh at Marc Bryan Dula.
Hindi rin magpapahuli sina Stephen Guzman, Paul Christian King Cusing at Aalia Jaire Espejo na beterano ng Indian Ocean All Star Challenge bukod pa kina Hong Kong Stingrays Championship gold medalists Charize Esmero, Jason Mirabueno, Ian Ferdinand Trinidad at Rio Lorenzo Malapitan.
Mangunguna sa hahamon sa galing ng Pilipinas ay ang host Singapore bukod pa sa mga bansang China, Thailand, Vietnam, Malaysia, Hong Kong, Great Britain at Netherlands.
Ang tutulong kay Papa sa pamamahala ay si PSL secretary-general Maria Susan Benasa habang ang mga coaches ay sina Alex Papa, Marlon Dula, Ephraim Samson at Joey Villa.
Ang SICC ay isang world-class na pasilidad at ginamit ito ni Olympic champion Michael Phelps at ng US swimming team bilang training facility noong 2008 Beijing Olympic Games.
- Latest