7 bagong records binuhat ng Pinoy lifters sa Hong Kong tourney
MANILA, Philippines – Anim na Asian records at isang World record ang naitala ng ipinadalang powerlifting team sa Asian Powerlifting Championships sa Queen Elizabeth Stadium sa Hong Kong kamakailan.
Nanguna sa pagtala ng bagong marka ang pinakabatang lifter na si Joan Masangkay na kumampanya sa 43-kilogram Sub-Junior division.
Ang 16-anyos at 4’10” lamang ang taas na si Masangkay ay nanalo ng mga ginto gamit ang mga bagong Asian records sa squat (100kg), deadlift (105kg) at total (255.6kg). Kumuha pa siya ng pilak sa bench press (50kg) upang maging perpekto sa paghahatid ng medalya para sa bansa.
Itong mga marka na ito ng tubong Quezon City na si Masangkay ay patunay na puwede na siyang isalang sa 15th Sub-Junior at 33rd Junior World Powerlifting Championships sa Praque, Czech Republic mula Agosto 31 hanggang Setyembre 6.
Ang beteranang si Anita Koykka ay naglaro sa women’s Open sa 57-kilogram division at nagtala siya ng World at Asian Master II record sa squat (162.5kg) at mga Asian Masters II records sa bench press (90kg) at total (417.5kg).
Si Raymond Debuque na naglaro sa 120+kg Junior men ay nanalo rin ng apat na ginto sa mga buhat na 252.5kg sa squat, 222.5kg sa bench press, 260kg sa deadlift at 735kg total. Ang ginawa niya sa bench press ay isa ring bagong Asian Junior record.
Hindi man naka-record ay naipakita rin ni Rowella Abrea ang kanyang lakas nang kilalanin bilang Best Lifter sa women Sub-Junior sa naitalang 302.5kg total lift. May 125kg siya sa squat, 57.5kg sa bench press art 120kg sa deadlift.
Sa kabuuan, ang koponang ipinadala ng Powerlifting Association of the Philippines ay humakot ng 34 ginto, 44 pilak at 3 tansong medalya. (AT)
- Latest