Philippines jins handa na sa pagsipa sa 2 malalaking tournament
Dalawang malalaking kompetisyon sa Korea ang sasalihan ng national taekwondo jins at hangad nilang makapag-uwi ng mga medalya.
Aabot sa 52 jins ang bubuo sa delegasyon na lalaban sa Korea Open Taekwondo (Kyorugi) Championships at World Hanmadang Festival mula Hulyo 22 hanggang Agosto 2 sa Chuncheon City, Gangwon-do, South Korea.
Ipinadala ang mga jins ng Philippine Taekwondo Association (PTA) at may ayuda ito ng SMART/MVP Sports Foundation, Meralco, PLDT, Philippine Sports Commission at Philippine Olympic Committee.
Sina SEA Games gold medalist Samuel Morrison at Pauline Louise Lopez ang mangunguna sa panlaban sa sparring habang si Rinna Babanto ang mangunguna sa poomsae competition.
Tinatayang nasa 59 bansa ang kasali sa pangunguna ng host country, Korea, Vietnam, Chinese Taipei, Iran, China at Japan.
Gagamitin din ng mga jins ang kompetisyon bilang bahagi ng paghahanda para sa gaganaping Olympic qualifiers para sa 2016 Rio Games.
- Latest