Nietes, Donaire tiniyak ang tagumpay
MANILA, Philippines - Nagkakamali ang mga bisitang boksingero kung iniisip nilang matatalo nila ang mga pambato ng bansa sa gaganaping Pinoy Pride 30 bukas sa Smart Araneta Coliseum.
Ito ang ipinagdiinan nina Donnie Nietes at Nonito Donaire sa pulong pambalitaan kahapon ng Pinoy Pride 30 sa Solaire Resort and Casino.
Kalaban ni Nietes si Gilberto Parra ng Mexico habang kasukatan ni Donaire si William Prado ng Brazil.
“Talagang pinag-aralan namin ang ikinikilos niya. Ilang buwan na akong nagsasanay at sa araw ng laban ay handang-handa na ako,” wika ni Nietes na idedepensa ang hawak na WBO World Jr. flyweight title.
Dumalo rin si Parra sa pagtitipon at inihayag uli ang paniniwalang mananalo sa laban dahil pagtitiyagaan niya ang bawat rounds na kanilang paglalabanan.
“Makikita natin iyan sa araw ng laban,” ani Nietes na hindi pa natatalo sa mga Mexican boxers.
Sa kabilang banda, gusto ni Donaire ang kumbinsidong panalo para makabawi matapos ang sixth round knockout na tinanggap kay Nicholas Walters ng Jamaica. Ito ang ikatlong kabiguan sa ring ni Donaire pero una niyang KOs para mahubad din ang WBA World super featherweight title.
Dahil dito ay napagtanto niya na sumobra ang bilis ng kanyang pag-akyat kaya magsisimula uli siya sa ibaba hanggang sa makatikim uli ng world title.
“I was never haunted by that knockout loss. All I need is to get better because there is another fight to look forward to,” wika ni Donaire
Hindi niya minamaliit ang kakayahan ni Prado lalo pa’t determinado ito na patikimin ng ikalawang sunod na kabiguan ang 5-time world champion na si Donaire.
“I know this is going to be a tough fight but I found the key to rise again. A lot of question were raised after my loss if I still have it. Tomorrow, you will know the answer,” ani pa ni Donaire na bumalik sa super bantamweight division at paglalabanan nila ni Prado ang bakanteng WBC NABF title.
- Latest