SEAG-bound athletes bibigyan ng tamang food supplement
MANILA, Philippines – Makatitiyak na tatanggap ng tamang suplemento ang mga atletang inihahanda para sa Singapore SEA Games.
Ayon kay POC president Jose Cojuangco Jr., ang mga manlalaro ay kinuhanan ng dugo ng isang malaking kumpanya na namamahagi ng bitamina at gamot para madetermina kung ano ang kulang para lumakas pa ang kanilang katawan.
“Hindi ito tulad ng dati na binibigyan lamang natin ng magkakatulad na supplements ang ating mga atleta. Sumailalim sila sa blood test para malaman kung ano ang kulang sa kanila. If we are going to give them the right food, we have to give them the right supplements,” wika ni Cojuangco.
Sa ngayon ay may 100 atleta na sasalang sa individual events ang balak na kupkupin ng POC para matutukan ang kanilang pangangailangan tungo sa hangad na tagumpay sa Singapore.
Naunang binalak ng POC ang mangalaga ng 200 atleta pero kinailangang bawasan ito dahil kulang ang pondo.
Kinausap na ng POC ang PSC para sa pagbibigay ng mga masusustansyang pagkain para sa mapipiling atleta ngunit hindi umano lumusot ito sa Commission of Audit (COA) dahil kasama na ang food allowance sa tinatanggap na financial support ng mga atleta mula sa Komisyon.
“Ang mahalaga ay may masimulan na tayo. Ang mga athletes na nasa team sports tulad ng volleyball, basketball at football ay may mga private sponsors naman kaya ang tututukan natin ay ang mga nasa individual sports,” ani pa ng POC officials.
Mahalaga ang magkaroon ng magandang resulta ang kampanya ng Pilipinas sa Singapore para makabangon mula sa pinakamasamang pagtatalos sa SEAG na ikapitong puwesto noong 2013 sa Myanmar bitbit ang 29 ginto, 34 pilak at 38 bronze medals.
- Latest