Lady Eagles may dagdag puwersa sa Season 78
MANILA, Philippines – Hindi itinatanggi ni Alyssa Valdez na malaking bagay para sa Ateneo Lady Eagles ang pagkawala ni La Salle Lady Spikers skipper Ara Galang kaya’t napadali ang pinuntiryang matagumpay na pagdepensa sa hawak na titulo.
“Definitely, magiging iba ‘yung game. Mas tight ang game,” wika ni Valdez.
Mahigit 20 puntos ang ibinibigay ni Galang at wala siyang nakapalit sa dalawang naganap na laro sa championship series.
Si Cyd Demecillo lamang ang nasa double digit sa Game One habang walang player si coach Ramil de Jesus na umabot sa 10 puntos sa Game Two para lasapin ang 25-18, 25-19, 25-19, at 25-22, 25-17, 25-23, straight sets pagkatalo.
Si Valdez ay nag-average ng 22.5 puntos ngunit naroroon ang suporta ng mga kasamahan tulad nina Amy Ahomiro, Bea De Leon, Michelle Morente at Julia Morado para makumpleto ang 16-0 sweep na siyang una sa kasaysayan ng liga mula nang inimplementa ang thrice-to-beat advantage noong 2009.
Hindi naman nagulat si Valdez sa iniunlad ng paglalaro ng mga kasamahan dahil tulad niya ay talagang pinahirapan sila ng kanilang Thai coach na si Tai Bundit sa kanilang pagsasanay.
Dalawang beses sila kung mag-ensayo at talagang pinipiga sila ni Bundit kaya naman tunay na masasabi ng lahat ng kasapi ng Ateneo na pinaghirapan nila ang karangalang naiuwi.
Mawawala na sa susunod na taon sina Ella De Jesus, Denise Lazaro at Aeriel Patnongon pero solido pa rin ang koponan dahil naririyan pa rin ang kanilang core players.
Ang masamang balita sa ibang katunggali ay madaragdagan pa ng puwersa ang Ateneo dahil inaasahang babalik mula sa injury list sina Marge Tejada at Ana Gopico habang isusuot na ni Fil-Canadian Maria Katrina “Kat” Tolentino ang uniporme ng koponan matapos ang dalawang taong residency.
Si Tolentino ay may taas na 6’3 at kinilala bilang Best Attacker at Blocker noong nasa high school sa US.
- Latest